Sotto, Oreta nagbitiw sa LDP

Nagbitiw bilang opisyal at miyembro ng Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP) si dating Sen. Vicente Sotto III pati si dating Sen. Tessie Aquino-Oreta kasabay ang panunumpa nito sa Nationalist Peoples Coalition (NPC) ni dating Ambassador Eduardo "Danding" Cojuangco Jr.

Sa isinumiteng resignation letter ni Sen. Sotto kay LDP president at Sen. Edgardo Angara, ikinatwiran nito na kaya siya nagbitiw bilang secretary-general at miyembro ng LDP ay dahil sa magkakaiba nilang pananaw sa political issues.

Nagpasalamat naman si Sotto sa pagsisilbi nito ng 2 termino sa Senado sa ilalim ng LDP ni Sen. Angara subalit nagsimula ang kanilang pagkakaroon ng magkakaibang pananaw ni Angara noong 2004 presidential elections kung saan siya ang naging campaign manager ng yumaong si Fernando Poe Jr. na presidential bet ng Koalisyon ng Nagkakaisang Pilipino (KNP).

"I hereby tender my formal and irrevocable resignation from my position and membership in the Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP) political party, effective immediately," wika pa ni Sotto sa kanyang resignation letter kay Angara.

Inihayag din nina Oreta at Sotto na sasanib na sila ngayon sa NPC ni Danding Cojuangco at muling tatakbo sa darating na May 2007 senatorial race. (Rudy Andal)

Show comments