Ito ang nabatid mula sa update report na ipinadala kahapon sa tanggapan ni Department of Foreign Affairs Secretary Alberto Romulo ni Philippine Ambassador to Abuja Masaranga Umpa.
Ayon kay Umpa, nawawala ang lahat ng 24 na Pinoy crew ng Baco Liner II, isang German cargo ship na siyang barkong pinaglilingkuran ng mga OFW.
Sinabi ni Umpa, na hinostage ng mga bandido ang lahat ng OFW kung saan ang 7 sa kanila ay nananatili pa sa loob ng barko, kasama na ang kapitan na isa ring Pinoy habang ang 17 ay hindi pa alam kung saan ngayon dinala ng mga rebelde sa isang Village sa Wari, Nigeria.
Sinabi kahapon ni DFA Undersecretary for Migrant Workers Esteban Conejos Jr., sinasabing ang lahat ng paraan ay ginagawa ngayon ng pamahalaan para sa kaligtasan ng 24 na OFW.
Ayon kay Conejos, prayoridad ngayon ng gobyerno ang kaligtasan ng mga biktima.
Sa ngayon ay sinasabing may isinasagawa ng pakikipag-usap at pakikipag-ugnayan ang DFA sa embahada ng Nigeria para ligtas na mapalaya ang mga dinukot na OFW. (Mer Layson)