Sinabi ni Sen. Recto, mas malamang na mabuo ang "3rd Force" na kinabibilangan nina Senate President Manuel Villar Jr., Sen. JokerArroyo, Senate Majority Leader Francis Pangilinan, Sen. Edgardo Angara, Rep. Benigno Aquino III, Rep. Allan Peter Cayetano at dating maybahay ng yumaong si Sen. Raul Roco na si Sonia Roco.
Ayon kay Recto, mas gusto kasi ng taumbayan ngayon ang mga "moderate" candidates kaya mas malamang na mabuo ang 3rd Force kaysa pumanig kami sa oposisyon o administrasyon tiket ngayong darating na May 14 elections.
Itinanggi din ng mambabatas mula sa Batangas na kagagawan lamang ng Malacañang ang pagbuo ng 3rd Force upang mahati ang oposisyon sa darating na senatorial race tulad ng paniniwala ni Sen. Panfilo Lacson.
Wika pa ni Recto, noong tumakbo naman si Sen. Lacson sa presidential elections noong 2004 ay hindi naman siya pumanig sa oposisyon dahil ang kandidato ng Kilusan ng Nagkakaisang Pilipino (KNP) ay ang yumaong si Fernando Poe Jr.
"Hindi naman siguro kagagawan din ng Malacañang ang pagtakbo ni Sen. Lacson bilang independent presidential candidate sa nakaraang 2004 elections para mahati ang oposisyon na nagresulta sa pagkatalo ni FPJ kay Pangulong Arroyo," dagdag pa ng re-electionist na senador.
Aniya, walang kinalaman ang Malacañang sa kanilang pinaplanong pagbuo ng 3rd Force o Peoples Choice bagkus ay matagal na itong pinag-uusapan ng mga re-electionist na senador kabilang si Lacson. (Rudy Andal)