Ayon kay Armed Forces Chief, Gen. Hermogenes Esperon, tumutugma o nag-match ang DNA samples na nakuha mula kay Khaddafy sa kapatid nitong si Hector Janjalani na nakapiit ngayon.
"The Armed Forces of the Philippines is proud to announce that we have neutralized the center of gravity of terrorism in the Philippines," pahayag ni Esperon.
Ikinalugod naman ni Pangulong Arroyo ang kumpirmasyon na patay na nga ang kilabot na lider ng Sayyaf.
Ayon kay Press Secretary at Presidential Spokesman Ignacio Bunye, ang mahusay na pagtutulungan ng intelligence community ng RP at US at pagtulong ng mga mamamayan ng Sulu at Basilan ang dahilan kung bakit nyutralisado na ang operasyon ng Abu.
Sinasabing napatay sa isang encounter noong September 2006 si Janjalani at inilibing ang bangkay sa isang lugar sa Sulu.
Isang tipster ng militar ang nagturo sa pinaglibingan ni Janjalani at nitong nakaraang Disyembre ay hinukay ang lugar.
Gayunman, walang opisyal na kumpirmasyon kung ito nga ang lider ng mga bandido kaya isang DNA test ang isinagawa ng FBI sa US.
Nitong nakaraang linggo ay napatay naman sa isang engkuwentro ang isa pang lider ng Sayyaf na si Abu Solaiman. Ang dalawa ay kapwa may patong sa ulo na US$5 million na ipinagkaloob ng US.
Sa pagkamatay ni Janjalani at Abu Solaiman, naiwan nito ang one-armed commander na si Radulan Sahiron, Isnilon Hapilon at Abu Pula na ilan sa mga senior Sayyaf veterans na nananatiling aktibo kasama ang may 40 tagasuporta nito.
Nagpadala naman ng kanyang mensaheng papuri si CIA director Michael Hayden sa pamahalaang Arroyo dahil sa ginawang kooperasyon sa Estados Unidos at sa matagumpay na opensiba laban sa mga bandidong Abu Sayyaf.