Aprubado na sa House Committee on National Cultural Communities ang House Bill 5837 na isinusulong ni Lanao del Sur Rep. Faysah Dumarpa na nagbabawal sa panggagaya sa pamamaraan ng pananalita, accent o diksyon na maituturing na isang pang-iinsulto at nakakababa.
Bukod sa panggagaya, ang sinumang magsasagawa ng nakakahiya at illegal search dahil lamang sa kakaibang pananamit, relihiyon, kulay o ethnic identity ng isang tao ay may katumbas ding kaparusahan.
Maging ang diskriminasyon sa isang tao na naghahanap ng trabaho dahil lamang sa pangalan, relihiyon at ethnic background ay maaari ring gawing basehan ng parusa.
Sakop din ng panukala ang pagbabawal ng anumang establisimiyento tulad ng restaurant, hotel o malls sa indibidwal dahil lamang sa kanilang kasuotan, kulay ng balat at ethnicity.
Multang P200 hanggang P6,000 at arresto mayor(pagkabilanggo ng isang buwan hanggang anim na buwan) oprision correctional (pagkabilanggo ng anim na buwan hanggang anim na taon) ang parusang naghihintay sa mga lalabag. (Malou Escudero)