Naglagak ng P35,000 bilang multa sa Hong- kong Police si Joselito Daza 20, binata, estudyante ng University of Caloocan at nakatira sa Camarin, Caloocan City. Dumating ito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kamakalawa ng gabi sakay ng Cebu Pacific flight 5J-143.
Sa panayam kay Daza, kasama niya ang kanyang pinsang si Sarah Jane Daza, 19, ng San Jose del Monte, Bulacan ng sumakay sila ng Cebu Pacific flight pabalik sa Maynila noong Enero 11 dakong 10:45 ng umaga.
Ayon kay Daza, tinulungan siya ng isang David Joseph Dysuangco, cabin crew, para ilagay sa overhead luggage compartment ng eroplano ang dala niyang handcarried baggage.
"Tinanong ako ni Dysuangco kung bakit mabigat ang bagahe ko biniro ko na may bomba iyan," ani Daza.
Natawa pa raw si Dysuangco kaya inakala niyang alam nito na nagbibiro lang siya.
Gayunman, tumawag pala ang crew sa station manager ng Cebu Pacific at isinumbong si Daza. Mabilis na dumating ang HK Police at pinababa ang magpinsan sa eroplano at dinala sa investigation room.
Sinabi ni Daza na nagbibiro lamang siya at wala anyang kinalaman si Sarah sa ginawa niyang biro kaya pinayagan ang kanyang pinsan na makasakay ng eroplano pabalik ng Maynila.
Ayon pa kay Daza, tinawagan niya ang kanyang tiyahin na nagtatrabaho sa HK para humingi ng HK$5,000 bilang bayad sa ginawa niya.
Samantala, sinabi ng mga awtoridad sa NAIA na natutuwa sila at hindi ikinulong si Daza sa HK.
"Dito sa Pilipinas, ang mga nagbibirong may bomba ang kanilang bagahe ay nakukulong ng six months," anang Airport police. (Butch Quejada)