320 Pinoy peacekeepers puntang Liberia, Haiti

Nakatakdang tumulak patungong Haiti at Liberia ang 320 tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para magsagawa ng peace keeping mission sa nasabing mga lugar na winasak ng giyera.

Ayon kay AFP-Public Information Office chief Lt. Col. Bartolome Bacarro, may 165 peacekeepers ang kanilang ipadadala sa Liberia at 155 naman sa Haiti. Ang tropa na tutungo sa Liberia ay pamumunuan ni Col. Francisco Patrimonio habang sa Haiti ay sa ilalim ni Col. Romeo Gan.

Aalis sa bansa ang grupo sa darating na Enero 24 habang sa Enero 29 ang contingent sa Haiti.

Binigyang-diin ni Bacarro na papalitan ng mga bagong set ng mga peacekeepers ang AFP contingents na nakatalaga sa dalawang bansa matapos ang may anim na buwang pananatili roon.

Sinabi pa nito na ang 320 peacekeepers ay dumaan sa masusing battery test, physical at mental training bago napiling ipadala sa nasabing mga bansa para tumulong sa kaayusan at katahimikan doon na binulabog ng kaguluhan.

Kahapon ay isang send-off ceremony ang isinagawa sa Camp Aguinaldo. (Joy Cantos)

Show comments