Ayon kay Atty. Evalyn Ursua, abogado ni Nicole, posibleng mangyari ang kanilang kinatatakutan dahil hindi nila nakikita si Smith.
Dahil dito kaya binisita ng grupo ni Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Marius Corpus si Smith sa selda nito sa US Embassy upang masiguro at mawala ang agam-agam ng kampo ni Nicole na itatakas ang naturang dayuhan.
Bumuo rin ang DILG ng five-man inspection panel na regular na magsasagawa ng pag-inspection sa kalagayan ni Smith sa naturang embahada.
Kahapon ay tuluyan nang umapela sa CA ang kampo ni Nicole upang papanagutin ang mga opisyal ng gobyerno na pinaniniwalaang nasa likod ng pagpapatakas kay Smith.
Nais ni Atty. Ursua na ma-contempt sina Executive Secretary Eduardo Ermita, DILG Sec. Ronaldo Puno, Presidential Legal Counsel Atty. Sergio Apostol, Justice Sec. Raul Gonzalez, jail warden ng Makati City Jail at iba pang opisyal.
Iginiit ng kampo ni Nicole na nilabag ng mga nabanggit na opisyal ang utos ng korte nang magsabwatan umano ang mga ito na mailipat si Smith sa US Embassy sa dis-oras ng gabi nitong nakaraang Biyernes.
Hindi umano hinintay ng mga opisyal ang kautusang ilalabas ng korte partikular ang CA na may hawak ng petisyon hinggil sa usapin ng custody kay Smith.
Hiniling pa ng mga petitioner na patawan din ng multang tig-P30,000 bawat respondent dahil sa kawalang-galang sa Appelate Court.
Sa special appearance with omnibus motion, hiniling ng mga counsel na ibasura na ang inihaing petisyon ni Smith na naglalayong ipawalang-bisa ang kautusan ni Makati Judge Benjamin Pozon na manatili sa Makati Jail si Smith.
Samantala, iginiit naman kahapon ni Sec. Puno na walang iligal sa ginawa nilang paglipat kay Smith sa US Embassy at ito ay temporary lamang habang nakabitin ang ginagawang kasunduan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at Amerika kung saan nararapat na ikulong ito.
Tiniyak din ng kalihim na bagamat hawak ng Amerika si Smith ay may hurisdiksiyon pa rin ang pamahalaan dito at maaaring ipatawag anumang oras na kailanganin ito para sa imbestigasyon.
Ipinaliwanag din ni Puno na kaya dis-oras ng gabi inilabas sa Makati jail si Smith, ay dahil may mga dalaw pa umano ito at tinapos pa kaya gabi na ng mapagpasyahan ang paglipat dito. (Ricky Tulipat, Ludy Bermudo, Lilia Tolentino At Rose Tesoro)