Sec. Puno pinagbibitiw

Hiniling nina Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr., at Sen. Miriam Defensor-Santiago ang pagbitiw sa tungkulin ni DILG Secretary Ronaldo Puno matapos na aminin nito na ang kanyang tanggapan ang nanguna sa pagpayag na maibalik sa custody ng US government si Lance Corporal Daniel Smith na nakulong sa kasong panggagahasa.

Ayon kay Sen. Santiago, kilalang kaalyado ng Palasyo, walang karapatan ang punong ehekutibo hinggil sa custody ni Smith dahil nakasalalay na ito sa hudikatura.

Si Smith ay inilipat nitong Biyernes ng gabi mula sa Makati City Jail patungong US Embassy alinsunod daw sa napagkasunduan ng dalawang pamahalaan hinggil pa rin sa Visting Forces Agreement (VFA).

Magugunita na nagdesisyon si Makati Judge Benjamin Pozon na ikulong si Smith sa Makati habang pinag-aaralan pa ng hukom ang VFA sa pagitan ng US at ng Pilipinas.

Ipinaliwanag ni Sen. Santiago na posibleng sampahan ng kasong contempt si Puno, kahit na ito ay inutusan ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo na siyang manguna sa pagpapalipat ng custody ni Smith.

Ganito rin ang panawagan ni Sen. Pimentel matapos na malaman na si Puno ang nanguna sa pagpapalipat kay Smith. (Rudy Andal)

Show comments