Sa report ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Director for Cordillera Region Chief Oliver Enmodias, ang nasabing operasyon ay nagresulta sa pagkakasakote sa 75 suspect, user at dealer ng naturang mga illegal na droga.
Sinabi ni Enmodias na tatlong natukoy na big time drug trafficker ang pakay ng kanilang dragnet operations.
Kabilang sa mga nasamsam ay 509,954 puno ng marijuana na nagkakahalaga ng P101,990,800; 1,005,789.4 kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana na pumapatak sa P25,144,735; 270,500 binhi ng marijuana na nagkakahalaga ng P10,820,000; 3,050 gramo ng hashish na aabot sa halagang P762,500; 210,500 kilo ng buto ng marijuana, P5,262,500; at 108.52 gramo ng shabu na nasa P217,040 o kabuuang halagang P144,197,575 milyon.
Ayon sa opisyal, ang naturang mga bulto ng illegal na droga at ang mga nasakoteng suspek ay mula sa 32 buy-bust operations na isinagawa ng mga awtoridad.
Kabilang dito ang 11 marijuana eradication operations, 11 ay naharang sa checkpoint at ang iba pa ay sa raid.
Nagpapatuloy naman ang pinalakas na anti-drug campaign ng pamahalaan sa misyong gawing drug free ang Pilipinas pagsapit ng taong 2010. (Joy Cantos)