Smith nasa US Embassy na!

Napamura sa galit ang Subic rape victim na si Nicole matapos mabalitaang inilipat ang convicted rapist na si Daniel Smith sa custody ng US Embassy nitong Biyernes ng gabi.

Nabatid na napaluha si Nicole habang nanggagalaiti naman sa pagkadismaya ang abogado nitong si Evalyn Ursua dahil Biyernes ng gabi isinagawa ang paglilipat kay Smith at sinamantala umano na walang pasok kinabukasan para aniya hindi sila makagawa ng hakbang.

Alas 11:00 ng gabi inalis sa Makati City Jail si Smith at dinala sa US Embassy kung saan kinumpirma ito ni US Embassy spokesperson Matthew Lussenhop.

Naniniwala si Atty. Ursua na may basbas ni Pangulong Arroyo sa pamamagitan ni Presidential Legal Counsel Sergio Apostol ang pagkakalipat ni Smith sa custody ng US Embassy.Ipinaliwanag ni Ursua na kahit Presidente ng Pilipinas ay hindi puwedeng mag-release ng isang prisoner at korte lamang ang maaaring gumawa nito, kaya kung mapapatunayan umanong may kinalaman dito ang Pangulo ay maaari siyang ma-impeach dahil paglabag umano ito sa Konstitusyon.

Bunsod nito, inihahanda na ng kampo ni Nicole ang pagsasampa ng reklamo sa korte laban sa mga opisyal ng gobyerno na responsable umano sa pagkakalipat ni Smith sa US Embassy.

Sinabi pa ni Ursua na binastos ang ating korte dahil bakit pa aniya magsasagawa ng paglilitis gayong malaya naman pala nilang magagawa ang nais nila.Iginiit ng US gov’t na marapat na nasa kanila munang pangangalaga si Smith hangga’t hindi pa tuluyang naisasapinal ang hatol sa convicted rapist na si Smith.

Ipinaliwanag ng kampo ni Smith na ang kanilang kahilingan ay alinsunod sa isinasaad ng Visiting Forces Agreement (VFA) ng Pilipinas at US na hindi dapat balewalain.

Ito rin ang siyang naging paninindigan ng DFA at DOJ, kung saan ang mismong si State Prosecutor Jovencito Zuño ang nagbigay ng rekomendasyon, sa isang note verbale na hindi tutol ang DOJ o ang gobyerno na maibigay sa Amerika ang kustodiya ni Smith hangga’t hindi pa tapos ang mga proceedings sa kaso.

Nagkaroon naman ng tensyon kahapon sa isinagawang kilos-prostesta sa tapat ng US Embassy ng militanteng grupo na bumabatikos sa nasabing paglilipat kay Smith. (Lordeth Bonilla/Ludy Bermudo)

Show comments