Ayon kay Rei Panaligan, coordinator ng EcoWaste Coalition, ang Pasko ang isa sa pinakamakulay ngunit pinakamaluho at pinakamakalat na okasyon sa Pilipinas.
Sa Metro Manila lamang, ang 6,000 toneladang basura na nalilikha araw-araw ay inaasahang tataas pa sa pagsapit ng panahon ng Kapaskuhan. Ang patuloy na pagtatapon at pagsusunog ng basura ay peligro sa pampublikong kalusugan at kalikasan.
"Ang hindi pagtangkilik ng mga produktong nakalilikha ng lason at pag-iwas sa paglikha ng basura ngayong Pasko ay isang mainam na handog sa ating kapwa at Inang Daigdig," wika pa ni Panaligan.
Sa pagdaraos ng Christmas parties o salu-salo, iwasan ang paggamit ng sando bags, styrofoam at disposable na plastic cups at utensils. Ang mga ito ay isang beses lamang nagagamit at napapatapon lamang sa mga tambakan, kanal, ilog at dagat at nagdudulot ng polusyon at pagkamatay ng mga buhay-dagat. Paghiwa-hiwalayin ang mga nabubulok at hindi nabubulok na panapon. Ibaon sa lupa o ikompost ang mga nabubulok at ang hindi nabubulok ay maaaring ibenta. Ang matitipid mula sa gastos sa mga Christmas parties ay maaaring ibigay sa ating mga maralitang kababayan.
Hindi kinakailangang mamahalin ang regalong ibibigay sa inyong mga mahal o kaibigan. Ang sariling likhang regalo, email, tawag sa telepono, yakap o halik ay sapat na upang ipakita ang inyong pagmamahal sa iyong kabiyak, pamilya at kaibigan.
Para sa karagdagang detalye, makipag-ugnayan lamang sa EcoWaste Coalition sa 9290376.