Ang babala ay kasunod ng panawagan ni Novaliches Bishop Antonio Tobias na sumama ang mga sundalo sa ilulunsad nilang malaking rally kontra sa Charter change sa darating na Linggo.
Ayon kay Executive Secretary Eduardo Ermita, dapat na manatilng neutral o walang kinikilingang grupong pulitika ang mga sundalo at pulis dahil silay "apolitical."
Sinabi ni Ermita na hindi makapagdudulot ng magandang mensahe sa publiko ang pagsawsaw ng mga sundalo at pulis sa usaping pampulitika.
Isang malaking prayer rally ang takdang idaos ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), El Shaddai, Jesus Is Lord (JIL) at iba pang religous group sa Luneta grandstand sa darating na Linggo upang tutulan ang isinusulong na pag-amyenda sa Saligang Batas sa pamamagitan ng Constituent Assembly (Con-Ass).
Ayon naman kay AFP Chief of Staff Gen. Hermogenes Esperon, ipagdasal na lang at huwag ng kaladkarin pa ang mga sundalo para lumahok sa rally."
Sinabi ng Chief of Staff na masyado ng abala ang mga sundalo sa rescue and retrieval operations partikular na sa mga biktima ng bagyong Reming sa Bicol Region, pakikipaglaban sa mga rebeldeng grupo tulad ng New Peoples Army (NPA), mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) at ang kinakanlong ng mga itong Jemaah Islamiyah terrorist para makilahok pa sa rally.
Bukod dito, ayon kay Esperon ay may sarili ng tungkulin at pinaiiral ng mga sundalo ang pagiging non-partisan pagdating sa isyu ng pulitika.
Kaugnay nito, tiwala naman si AFP spokesman Major Gen. Jose Angel Honrado na walang mga sundalong sasama sa anti-government rallies dahil nirerespeto ng mga ito ang Chain of Command ng AFP.
Sakali naman aniyang mga sundalong makisawsaw sa rally o mahikayat ni Bishop Tobias ay mahaharap ang mga ito sa kaukulang kaparusahan.