Inatasan ng Pangulo si Budget Secretary Rolando Andaya na magpalabas ng P1 bilyon para sa relief at rehabilitasyon ng mga apektadong lugar na lumasap ng lupit ni Reming.
Sa report ni Dr. Anthony Golez Jr., Deputy Director at spokesman ng National Disaster Coordinating Council (NDCC), patuloy ang retrieval operations na isinasagawa sa Bicol Region kung saan umakyat na sa 800 ang nasawi matapos malibing ng buhay mula sa dumaloy na putik at bato galing sa dalisdis ng Mt. Mayon.
Sa tala ng Philippine National Red Cross (PNRC), 406 ang kumpirmadong nasawi sa mudslides at 398 pa ang nawawala habang paliit rin ng paliit ang tsansa na marekober ng buhay ang mga nawawala pang biktima.
Base sa report ng NDCC, aabot sa 195,153 pamilya o kabuuang 799,056 katao ang naapektuhan sa tatlong rehiyon habang 169 ang nasugatan.
Ang nasabing bilang ay mula sa 928 barangay ng 78 bayan at pitong siyudad mula sa Southern Luzon at Bicol Region.
Kasalukuyan pa ring nasa 229 evacuations centers ang may 7, 457 pamilya o kabuuang 38,473 katao at may 27, 816 kabahayan ang tuluyang nawasak at 90, 508 ang nagkaroon ng mga pinsala.
Sa inisyal na pagtaya, aabot sa P27.7M ang pinsala sa imprastraktura at agrikultura.
Sa kasalukuyan, hindi pa rin madaanan ang Legaspi-Tabacco-Tiwi Road dahilan sa mga nagtumbahang punongkahoy at poste ng kuryente habang hindi rin madaanan ang Daang Maharlika sa Camalig at Daraga bunga ng tambak na mudflow.
Patuloy naman ang clearing operations sa kahabaan ng Legazpi-Tabaco Road patungo sa pier ng Catanduanes.
Maliban sa mga apektadong lugar sa Bicol Region, putol rin ang power at communication systems sa bahagi ng Bondoc Peninsula sa lalawigan ng Quezon dahilan sa pagbagsak ng 230 KV Gumaca- Labo at Tayabas, Naga Line.
Ang mga lugar na wala pa ring supply ng kuryente ay Marinduque, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Camarines Norte, Camarines Sur, Albay at Sorsogon. (Ellen Fernando, Joy Cantos At Francis Elevado)