Mga opisyal na nagpapapasok ng illegal alien pinangalanan

Muling binanatan kahapon ni Surigao del Sur Rep. Robert Ace Barbers ang Bureau of Immigration and Deportation (BID) na ayon sa kanya ay pinakamalaking banta sa seguridad ng bansa dahil sa pagpapapasok ng kung sinu-sinong foreign nationals gamit ang mga pekeng visa.

Pinangalanan ni Barbers ang isang Atty. Caluya na diumano’y responsable sa pagpasok ng libo-libong foreign nationals gamit ang mga pekeng visa.

Nakakapasok din anya sa Pilipinas ang libo-libong Indian nationals gamit pa rin ang mga pekeng visa dahil sa isang Ed Damian at Tom Natividad.

Pinaiimbestigahan din ni Barbers ang mga NAIA officials na sina Ferdinand Sampol at Julius Cortez dahil ginagamit umano ng mga ito ang pangalan ng isang kongresista sa kanyang ilegal na gawain.

Sinabi pa ni Barbers na hindi naman makakapag-operate sina Sampol at Cortez kung hindi nalalaman ni Atty. Gary Mendoza, hepe ng Alien Regulation Division ng BID.

Pinangalanan din ni Barbers ang Reefer Phil. Inc., isang travel agency na siya namang gumagawa ng paraan upang makapasok sa bansa ang mga Chinese.

Isa umanong Jose Carandang ng Boarding Service ng BID ang kasabwat ng nasabing travel agency. (Malou Escudero)

Show comments