FG hinamon si Cayetano na siya ang harapin

Hinamon ni First Gentleman Mike Arroyo si Taguig-Pateros Rep. Allan Peter Cayetano na magpaka-lalaki ito at huwag idamay ang kanyang anak at kapatid na kongresista.

Sinabi ni FG Arroyo, siya ang harapin ni Rep. Cayetano at huwag nitong idamay ang kanyang anak na si Pampanga Rep. Mikey Arroyo at kapatid na si Negros Rep. Iggy Arroyo na gustong ipa-expel ng mambabatas na kapatid ni Sen. Pia Cayetano.

"Kung tunay na lalaki ka, magdemanda ka. Maglabas ka na agad ng testigo at ebidensiya at hindi iyong para kang palengkero na daldal ka ng daldal ng puro tsismis," wika pa ni Mr. Arroyo.

Iginiit pa ng Unang Ginoo, walang katotohanan ang paratang na tumanggap ng jueteng payola ang kanyang anak at kapatid at sa katunayan ang mga nag-akusa dito ay nagsipag-atrasan na.

Magugunita na naghain ng reklamo sa House Ethics committee si FG Arroyo laban kay Cayetano dahil sa pag-akusa nitong may itinatago siyang bank account sa abroad na hindi naman napatunayan ng kongresista.

Show comments