Ibinunyag ni Sen. Lacson ang kanyang planong pagtakbong alkalde ng Maynila sa ginanap na Kapihan sa Manila Hotel.
Ayon kay Lacson, matagal siyang nag-isip kung ano ang kanyang magiging desisyon para sa 2007 elections hanggang sa dumating ang hinihintay niyang "sign" at "Gods will" kaya inihayag niya kahapon ang pagtakbo niya sa mayoralty race ng Maynila.
Sa ginawang survey ng Philippine Social Research Center mula Oct. 12-18 ay nakakuha ng mataas na potential votes si Lacson laban kina Sen. Alfredo Lim, dating Manila Rep. Mark Jimenez, Manila Vice-Mayor Danilo Lacuna, Manila Rep. Joey Hizon, Ali Atienza, Manila Rep. Rudy Bacani at dating Unang Ginang Imelda Marcos.
Nakahanda naman si Lacson na makaharap sa darating na mayoralty race sa Maynila sina Rep. Jimenez na tinaguriang "Hulog ng Langit" at Mary Ong alyas Rosebud habang si Sen. Lim ang itinuturing nitong pinakamahigpit na kalaban.
Aniya, basta qualified sila ay walang masama dahil nasa demokrasyang bansa tayo kaya kahit sinong kwalipikadong tumakbo ay puwedeng kumandidato.
Itinanggi din ni Lacson na kaya siya nagdesisyong tumakbong alkalde ng Maynila ay dahil tinanggal siya sa listahan ng senatoriable sa kampo ni dating Pangulong Erap Estrada.
Suportado naman ng Chinese community ng Maynila ang pagtakbo ni Lacson, ayon kay Teresita Ang-See na pinuno ng Movement for the Restoration of Peace and Order. (Rudy Andal/Joy Cantos/Danilo Garcia/Gemma Garcia)