Ito ang inamin kahapon ni Col. Lauro dela Cruz, Assistant Chief of Air Staff for Operation ng PAF kasabay ng pagbubulgar na may ilan pang piloto kabilang ang dalawang Air Force Captain ang nahaharap sa imbestigasyon at isasalang sa Provost Marshal Investigation dahilan sa moonlighting o pagsa-sideline sa mga eroplanong pang-komersiyal.
Sinabi ni dela Cruz, ang dalawang pilotong iimbestigahan ay lumipat na sa Philippine Airlines kahit hindi pa nagre-resign sa serbisyo.
Aminado naman ang pamunuan ng PAF na maraming piloto ang naaakit na mag-moonlight at tuluyang lumipat sa commercial companies dahil sa malaking suweldo.
Nabatid na sa taong ito o mula Enero ay 5% na mula sa 1,085 ang umaalis sa serbisyo dahil 30,000 lamang ang buwanang sahod ng mga piloto ng PAF habang $2,000 ang sahod sa labas.
Sinabi ng opisyal na hindi nila pinipigilan ang paglisan ng kanilang mga piloto bastat kailangan lamang ang mga itong dumaan sa masusing proseso matapos gugulan ng pamahalaan ng P2.3M ang kanilang mga pagsasanay bilang mahusay na piloto.
Sa katunayan, ayon pa rito ay 12 pang opisyal ng PAF ang pinakahuling nagsipagbitiw para lamang lumipat ng trabaho sa commercial airlines.
Nabatid na kailangan muna ng mga sinanay na piloto na magserbisyo sa PAF ng walong taon bago ang mga ito pahintulutang lumisan sa serbisyo para mabawi naman ang malaking halaga ng ginugol ng gobyerno sa kanilang pagsasanay.
Inirekomenda na ni Col. Andres Largo, pinuno ng PAF General Court Martial (GCM) na idismis sa serbisyo at i-court martial sina Capt. Robert Solis at Capt. Hilario Pine ng 205th Helicopter Wing dahil sa moonlighting. (Joy Cantos)