"Except for some isolated cases of minor offenses, violation of local ordinances and some medical emergencies, the celebration of All Saints Day has been generally peaceful throughout the country," pahayag ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Calderon bunga na rin anya ng mahigpit na seguridad na ipinatupad ng pulisya sa lahat ng mga sementeryo sa buong bansa partikular sa 63 sementeryo sa Metro Manila na isa sa mga sentro ng paggunita sa Undas.
Ayon kay Calderon, tanging minor incidents ang naitala ng pulisya kabilang na ang pagkawala ng mga bata, nahulog na mga bata sa nitso, inatake ng sakit, nagliyab na kotse dahil sa init, nakawan na nagsamantala sa siksikan ng mga tao, kawalan ng parking space, illegal vendors at iba pa.
Si Calderon kasama si NCRPO Chief Director Reynaldo Varilla ay nagsagawa ng aerial inspection para tayain ang seguridad sa Manila North Cemetry at Manila South Cemetery, Loyola Memorial Park sa Marikina, Manila Memorial Park sa Parañaque at iba pang mga pampublikong sementeryo sa Metro Manila.
Bagaman naging mapayapa ang Undas, sinabi ni Calderon na marami pa ring mga ipinagbabawal na dalhin sa sementeryo ang nakumpiska tulad ng mga alak, baraha, patalim, pintura, radyo atbp. (Joy Cantos)