Erap inismol ng Sigaw, ULAP

Minaliit ng mga opisyal ng Sigaw ng Bayan at Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) ang plano ni dating Pangulong Joseph Estrada at iba pang mga lider ng oposisyon na magsampa ng kasong kriminal laban sa kanila sanhi ng kanilang pangangampanya para sa People’s Initiative na amyendahan ang Konstitusyon noong 1987.

Pinunto ni Sigaw spokesman Raul Lambino na kung tunay ngang nais ng dating pangulo na "makita ang katotohanan" sa likod ng pagpondo sa kampanyang pabor at laban sa PI, kailangang alamin nito kung saan nakakuha ng salapi ang mga grupong anti-Charter change para sa kanilang mga multi-milyong advertisement sa broadcast at print.

Ayon naman kay ULAP secretary general Carlo Fortuna, wala silang pangamba sa banta ni Estrada dahil naniniwala siyang ang kanilang ginawa ay tunay na sinuportahan ng mahigit na 9 milyong Pilipino na lumagda para sa PI.

"Kung totoong nais niyang (Estrada) malaman ang katotohanan kung saan kami nakakuha ng pondo, bakit hindi niya rin tanungin kung saan nanggaling ang pondo ng mga grupong ayaw sa Cha-Cha tulad ng One Voice? Dahil ba sa siya rin mismo ang nagpondo nito?, paghahamong katanungan ni Lambino.

Una rito, nagpahayag ang Sigaw at ULAP na lulusubin nila ang Korte Suprema upang ipakita rito ang kanilang lakas at hilingin din ang pagbibitiw ni Justice Antonio Carpio dahil sa pagkakanulo nito sa kapakanan ng sambayanan nang kumontra sa Cha-Cha.

Ayon kay Sigaw secretary general Efren De Luna, ang ginawang pagbabasura sa kaso ng PI ay lantarang pagbusal sa tinig ng mamamayan na ang tanging kahilingan ay magsagawa ng mga mahahalagang amyenda sa Saligang Batas para umusad ang bansa tungo sa kaunlaran. (Rudy Andal)

Show comments