Red tide alert, shellfish ban itinaas sa 7 lalawigan

Itinaas na kahapon ang red tide alert at shellfish ban sa pitong lalawigan sa bansa na apektado ng mataas na toxic level matapos na dalawang bata pa ang masawi sa Sorsogon habang 12 pa ang nasa pagamutan kamakalawa ng gabi. Inirekomenda ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na ipatupad ang red tide alert at shellfish ban matapos na tatlong bata ang mamatay sa red tide poisoning habang 19 pa ang isinugod sa ospital noong Oktubre 11.

Kabilang sa mga lugar na isinailalim sa red tide alert at shellfish ban ang Juag Lagoon sa Matnog, Sorsogon; Milagros sa Masbate, Siaton sa Negros Oriental; Dumanguillas Bay sa Zamboanga del Sur, Balite Bay sa Mati, Davao Oriental; Irong-Irong Bay sa Samar at Bislig Bay at Bislig City sa Surigao del Sur. Sa report, sa kabila ng pagbabawal ng mga lokal na opisyal sa mga residente na manguha ng mga lamang dagat tulad ng tahong at alamang sa Sorsogon Bay dahil mataas ang red toxic, ay naging matigas umano ang ulo ng mga tao rito bunga na rin ng kahirapan. (Joy Cantos)

Show comments