Libreng parking sa malls ‘pag holidays, itinulak

Iginiit kahapon ni Pasig City Rep. Robert "Dudut" Jaworski ang libreng parking sa mga malls ngayong nalalapit na kapaskuhan.

Sinabi ni Jaworski na ito na ang maituturing na "the best" na pamasko ng mga may-ari ng malls sa milyon-milyong Pinoy na dumadagsa sa mga malls lalo na kapag malapit na ang Pasko.

Sa halip aniya na tanggalin ang parking fees, posibleng samantalahin pa ng mga mall owners ang Kapaskuhan at itaas ang kanilang parking fees dahil dadagsa ang mga mamimili ng pamasko.

Matagal nang isinusulong sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagtanggal sa paniningil ng parking fees sa mga malls, ospital, at mga commercial establishments pero hindi pa rin ito pumapasa bilang isang ganap na batas.

Anim na buwan na ang nakakalipas mula nang simulan ng House committee on economic affairs ang pagdinig sa panukala kaugnay sa pagbabawal sa paniningil ng parking fees.

Ikinakatuwiran ng ilang mambabatas na dapat maging libre ang pagpa-park sa mga malls dahil kasama ito sa "mandatory service" ng isang establishment.

Sa pinakahuling Congressional hearing, nabigo ang mga kinatawan ng mall owners na ipaliwanag kung bakit hindi pare-pareho ang sinisingil na parking fees sa malls. (Malou Escudero)

Show comments