Ang panawagan ay ginawa ni Executive Secretary Eduardo Ermita kasunod ng panawagan ng mga Obispo sa mga mamamayan na magsagawa ng kilos protesta laban sa kawalang hustisya ng pamahalaan.
Sa ginanap na Bishops-Peoples Conference ng Kilusang Makabansang Ekonomiya sa St. Peters Church sa Quezon City, sinabi nina Novaliches Bishop Antonio Tobias at Caloocan Bishop Deogracias Iniguez na panahon na para harapin ng mamamayan ang mga pang-aabuso ng Arroyo government.
"Sana naman ay hindi tayo makarinig ng ganyang mga salita sa Obispo. Gusto ba natin talaga na maging magulo. Harinawa, huwag namang udyukan ng mga salita ng rebolusyon, pagpahingahin na natin si Andres Bonifacio," ani Ermita.
Sinabi ni Ermita na kababangon lang ng bansa sa epekto ng tangkang kudeta noong Pebrero kaya wag na sanang palakihin pa ang sunog. (Lilia Tolentino)