Kaugnay nito, nagsampa ng 2 kasong libelo ang Mega Pacific laban kay Lagman dahil sa diumanoy mapanirang paratang sa naturang kompanya, ayon kay Atty. Estrella Elamparo, abogado ng Mega.
Sa ilang transaksyon pa nga ay mag-partner pa ang Sun Micro at TIM katulad nang sa isang proyektong isinagawa nila para sa Union Bank nang pagtulungan nilang palitan ang mainframe nito.
"Hinahadlangan ng TIM sa pamamagitan nila Monsod at Lagman ang poll automation gamit pa ang pangalan ng Information Technology Foundation of the Philippines para maisakatuparan nila ang sariling business agenda na napatunayang ikalulugi ng gobyerno ng mahigit sa dalawang bilyong piso dahil sa ubod ng mahal," pahayag ni Atty. Estrella Elamparo sa media.
Ipinaliwanag ni Atty. Elamparo na patuloy na nagbabalatkayo ang kritiko nito na si Lagman, na major stockholder at treasurer ng Sun Microsystems Philippines Inc. at isa pang major shareholder at board director na si Christian Monsod samantalang pangunahing supplier naman ng losing bidder na TIM ang Sun Microsystems.
"Patuloy na ikinakaila ni Mr. Lagman na may koneksiyon siya sa TIM, ang losing bidder sa poll automation. Pero, base sa dokumentong nakalap natin, lumilitaw na pangunahing supplier ng TIM ang Sun Microsystems Phils. Inc, na pag-aari mismo ni Lagman," pahayag pa ng abugado. (Edwin Balasa)