FG nagsampa ng libel vs Tulfo bros sa QC, Mla. courts

Nagharap ng panibagong kasong libelo si First Gentleman Mike Arroyo laban sa magkapatid na kolumnistang sina Ramon at Erwin Tulfo sa Quezon City at Manila Prosecutor’s Office.

Ayon kay Atty. Ruy Rondain, abogado ng Unang Ginoo, mahigit P22-milyong libel suit ang isinampa sa Maynila laban kay Ramon sa tanggapan ni City Prosecutor Joe Lopez kaugnay sa artikulong lumabas sa pahayagang Philippine Daily Inquirer na may petsang Sept. 9 at 12, 2006 kung saan muling idinadawit si FG sa pagkakasibak sa kaniya (Tulfo) sa programa sa radyo at sa umano’y smuggling activities ng magkapatid na Tomas at Vicky Toh.

Sinampahan naman ng hiwalay na kaso ni FG si Erwin sa QC Prosecutors Office. Nabatid na noong Sept. 13, 2006 ay nag-guest ang dalawa sa "Korina Today" at muli umanong sinabi ng magkapatid na si FG umano ay protektor ng mga smugglers at kabit umano nito si Vicky.

Ito rin anila ang sinabi ng magkapatid sa isa pang interview sa ‘Debate’ sa TV noong Sept. 21, 2006.

Ayon kay FG, matinding kasiraan sa kaniyang reputasyon at pagkatao ang ginawa ng magkapatid at hindi niya papayagan ang mga ganitong walang katotohanang isyu. (Angie dela Cruz)

Show comments