Sinabi ni Executive Secretary Eduardo Ermita na hindi nabigyang pansin ng Palasyo na mayroon palang nakabinbing petisyon sa Court of Appeals (CA) ang mga pribadong grupo kung saan humihiling na huwag ipatupad ang retake at pigilin ang panunumpa ng mga nakapasang nurse noong June 2006 exam.
Sa naunang pahayag ng Palasyo, sinabi ni Press Secretary at Presidential Spokesman Ignacio Bunye na nagdesisyon ang Pangulo na pakuhanin muli ng pagsusulit ang lahat na pumasang nurse upang maibangon ang integridad ng nursing profession.
Unang inihayag ng Pangulo na pabor siyang ulitin ng mga examinees ang test 3 at 5 ng pagsusulit na sinasabing nagkaroon ng dayaan. Gayunman, nagbago ito at pinaboran na lahat ng nakinabang sa leakage ang dapat magretake.
Ngunit dahil mahirap matukoy kung sino sa mga nakapasa ang nakinabang sa leak kaya inihayag kamakalawa ng Pangulo na lahat ng mga nakapasa ay dapat umulit ng board exam samantala may option naman ang mga hindi nakapasa kung saan puwede silang sumabay sa pagkuha ng exam o di kayay sa 2007 na.
Sinabi ni Ermita na anuman ang maging desisyon ng Korte sa mga petisyong ito ay susundin ng Pangulo.
Sasagutin ng gobyerno ang gagastusin sa isasagawang retake. (Lilia Tolentino)