Ayon kay Dr. Eric Tayag ng DOH National Epidemiology Center, isa ngayon ang Hepatitis sa kinatatakutan dahil 10 beses na mas nakakahawa ito kaysa sa human immunodeficiency virus (HIV) na sanhi ng nakamamatay na AIDS.
Iginiit ni Dr. Tayag na importanteng malaman ng publiko ang ibat ibang uri ng Hepatitis tulad ng Hepa B at Hepa C na halos walang ipinapakitang sintomas subalit nakamamatay.
Pero mas dapat umanong katakutan ng publiko ang Hepa C, ang silent killer virus na kadalasang hindi nagpapakita ng anumang sintomas dahil halos wala pang nalalaman tungkol dito at wala pa ring bakuna laban rito.
Tulad ng AIDS, makukuha ang Hepatitis sa pamamagitan ng pagsalin ng dugo, paggamit ng mga karayom na infected na ng virus at pagtatalik. Pero nakakahawa din ito kahit sa paggamit ng sepilyo ng carrier ng virus.
Ayon sa DOH na isa sa bawat 10 Filipino ang may sakit na Hepatitis habang sa datos ng WHO, halos 200 milyong katao sa buong mundo ang may Hepa C virus pero karamihan sa mga ito ay hindi alam na infected siya. (Gemma Garcia)