Scrabble sama sa English subject sa public schools

Upang mas lumawak ang bokabularyo ng mga estudyante, isinulong kahapon ni House Deputy Majority Leader Eduardo Gullas ang pagsasama ng larong "Scrabble" bilang karagdagang learning tool sa mga public schools.

Unang isinulong ng mga scrabble enthusiasts sa Baguio City ang pagsasama ng Scrabble bilang teaching aid sa English literacy classes sa lahat ng pampublikong eskuwelahan. Noon pang 2002 isinusulong ng Baguio-Benguet Club for Scrabble ang nasabing board game sa Department of Education sa paniwalang huhusay ang mga Pinoy sa English sa sandaling maging libangan ng mga ito ang paglalaro ng scrabble.

Bilang insentibo sa mga nais mag-donate ng mga Scrabble sets bilang instructional materials sa ilalim ng Adopt-a-School Program, sinabi ni Gullas na ililibre sa tax ang pagbili nito. Ang Adopt-a-School Program ay itinatag sa ilalim ng Republic Act 8525 kung saan hinihikayat ang mga pribadong kompanya na tumulong sa mga pampublikong paaralan. (Malou Escudero)

Show comments