Atong Ang bibigyan ng security ng M’cañang

Handang bigyan ng seguridad ng Malacañang ang negosyanteng si Charlie "Atong" Ang sa sandaling i-deport ito ng US government pabalik ng bansa.

Ang seguridad ay sa layuning hadlangan ang ano mang banta sa buhay ni Ang.

Ayon kay Executive Secretary Eduardo Ermita, ito ay kung totoong may banta sa kanyang buhay sa sandaling bumalik na siya sa bansa at kung hihingi ng proteksiyon si Ang. Si Ang ang kapwa akusado ni dating Pangulong Estrada sa kasong plunder.

Hindi naman matiyak ni Ermita kung tetestigo si Ang laban kay Estrada dahil base anya sa pag-uusap nila ni Justice Sec. Raul Gonzalez natapos na ang paghaharap ng mga testigo sa kasong plunder ng dating Presidente.

Kung humarap man anya sa korte si Ang, ito’y para magbigay ng pahayag sa kanyang sariling kaso.

Nabatid kay Ermita na bibigyan ng escort si Ang ng mga tauhan ng NBI at maaaring ideretso ito sa kulungan. Malaki ang posibilidad na sa Quezon City Jail bumagsak si Ang.

Una nang sinabi ni Special Prosecutor Dennis Villa-Ignacio na bagama’t co-accuse si Ang sa plunder trial ni Estrada ay hindi ito maaaring ikulong sa Tanay, Rizal kung saan ay nakapiit ang dating Pangulo.

Sinabi ng special prosecutor na dapat makulong sa regular detention cell si Ang at ang pinakamalapit umano sa Sandiganbayan ay ang QC Jail.

Show comments