Kinuwestyon nina Raul Lambino ng Sigaw ng Bayan at Bohol Governor Erico Aumentado ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) ang ligalidad sa pagkatig ng Alternative Law Groups Inc. (ALG), One Voice at gayundin si Atty. Pete Quirino-Quadra sa pagsalungat sa kanilang kaso sa Mataas na Tribunal.
Pinunto nina Lambino at Aumentado na ang ALG at One Voice ay hindi maaaring panghimasukan ang kaso dahil nabigo silang tupdin ang mga kinakailangan nilang gawin para sa ligal na katayuan.
Inatasan ang mga sumasalungat sa pagbabago ng Saligang Batas na patunayan na silay nagsisipagbayad ng buwis at rehistradong botanteng kumakatawan sa ibat ibang interes ng mamamayan at nakaranas sila ng direct injury sa pagkaka-dismiss ng Comelec sa milyong verified signatories.
"Kung mayroon mang nakaranas ng direct injury ay yaong mga petitioner dahil ang petisyon nila para sa inisyatibo ay ibinasura ng Comelec," ani Lambino at Aumentado.
Pinabulaanan din nina Lambino at Aumentado na ang constitutional amendments na iminumungkahi ng 6.3 million registered voters via Peoples Initiative ay magiging dahilan ng No-Election, pagpahaba sa termino ng incumbent officials at magpapahina sa Korte Suprema.
Sa kabilang dako, nabigo naman si Quadra, kahit Filipino citizen pa ito, na patunayan ang iba pang mga requirement na kinakailangan para sa ligal na katayuan para makapanghimasok sa kaso. (Grace dela Cruz)