Ayon kay Education Undersecretary Fe Hidalgo, mananatiling siyam ang planeta sa solar system para sa mga estudyanteng Pinoy at mga guro hanggat hindi sila nakakakuha ng nasabing opisyal na papel mula sa Department of Science and Technology (DOST).
Magugunitang matapos ang mahabang debate ay tinanggal ang planetang "Pluto" sa solar system at tinawag na isang "dwarf planet" dahil mas maliit ito kumpara sa Earth. Dahil dito ay hindi umano ito maituturing na isang planeta kundi isang ordinaryong satellite na umiikot lamang sa isang orbit.
Aminado si Hidalgo na maari silang mamroblema sa paglilimbag ng mga bagong textbooks, partikular sa subject na Science dahil sa pagpapalit ng kategorya sa Pluto bilang isang dwarf planet.
Ngunit agad na inamin ni Hidalgo na sa oras na makuha nila ang nasabing kautusan ng pagbabago o impormasyon hinggil dito ay pormal nilang papatanggal sa mga "display" sa klase ng solar system ang Pluto.
Sinabi ni Hidalgo na nakikipag-koordina na sila sa DOST na siyang may hurisdiksyon sa isyu upang makahingi ng official bulletin sa naturang usapin. (Edwin Balasa)