Sa isang press statement ni El Shaddai leader Mike Velarde, pinagdududahan nila ang isinampang petisyon sa Commission on Elections (Comelec) ng mga Cha-cha proponents dahil kinakansela ang eleksyon sa darating na taon at agad binubuo ang isang interim parliamentary form of government.
Sinabi ni Brod. Mike, ang pagbabago sa Saligang Batas na itinaguyod ng mga local officials ay hindi naman nagmula sa interes ng mamamayan kundi ng pamahalaan lamang.
"I am opposed to the peoples initiative because this is really the governments initiative. Second, because the provisions of the draft that was submitted to the Comelec provides no elections and I am opposing this," wika pa ni Velarde.
Nilinaw ng El Shaddai leader na hindi siya tutol sa pag-amyenda sa Konstitusyon subalit kailangang ipagpatuloy pa rin ang eleksyon sa susunod na taon.
Ginawa ni Velarde ang kanyang pahayag matapos magsumite ng petisyon sa Comelec ang Sigaw ng Bayan Movement at Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) para amyendahan ang 1987 Constitution mula presidential tungo sa parliamentary form of government.
Kaugnay nito, naghain din ang One Voice ng petisyon sa Comelec kung saan ay iginiit nitong wala sa kapangyarihan ng Comelec na hawakan at magdesisyon hinggil sa petisyon ng ULAP at Sigaw ng Bayan dahil sa kawalan ng "enabling law" tungkol dito. (Gemma Amargo-Garcia)