Nabatid na inoobserbahan sa isang ospital si Cordero matapos na tumaas ang blood pressure nito.
Bukod kay Cordero nagbitiw din si dating Col. Victoria Ramos bilang Vice President for Plans at Programs ng PNA at humalili sa kanyang puwesto si Dr. Samaco Paquiz.
Sa resulta ng binuong fact-finding body ng Professional Regulatory Commission (PRC), alam umano ni Cordero ang "leakage" bago pa man ang araw ng eksaminasyon ng mga nursing students dahil sina Cordero at Ramos ang nag-facilitate umano ng coaching session na dinaluhan ng mahigit sa 1,000 nursing students at ginawa sa isang sinehan sa Maynila.
Nabatid pa na si Cordero at ang kanyang pagmamay-ari na eskuwelahan na Philippine College of Health and Sciences, kasama ang Inress Review Center ang nagbigay ng test 3 at 5 sa "leakage".
Iginiit naman ni PRC Chairman Leonor Tripon-Rosero na babawiin ng ahensiya ang lisensiya ng mga nurse na nalaman nilang sangkot sa dayaan.
Kaugnay nito, hiniling ng isang grupo ng mga deans at principals sa Court of Appeals (CA) na ipatigil ang isasagawang oath-taking ng mga bagong pasang nursing students.
Anila, maituturing umanong maanomalya ang nabanggit na pagsusulit dahil sa lumabas na leakage na nagmula umano sa R.A. Gapuz Review Center at Inress Review Center.
Samantala, kilala na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang opisyal ng PRC na umanoy sangkot sa nabulgar na malawakang leakage sa nursing board exam.
Gayunman, tumanggi si NBI Director, Atty. Nestor Mantaring na kilalanin ang dalawa hanggang hindi pa nila nakukunan ng pahayag ang mga ito. Nakatakdang imbitahan ang dalawa ng ahensiya upang magbigay ng kanilang panig ukol sa kontrobersiya. (Gemma Amargo-Garcia/Danilo Garcia/Grace Amargo-dela Cruz)