Ito ay nang maantala ang pagsisimula ng implementasyon ng LTO -PETC interconnectivity bunsod ng pagbukas muli ng Department of Transportation and Communication-Land Transportation Office (DOTC-LTO) sa pre-qualification para sa iba pang Information Technology (IT) providers na na-disqualify na kamakailan.
Hindi nakapasa ang Cyberlink, OSSI, Intertek at RDMs sa unang pre- qualification ng Stradcom DOTC-LTO dahil sa kakulangan sa mga requirements na naisumite para sa naturang programa.
Muling nagbukas ang pintuan ng DOTC-LTO sa nabanggit na IT service providers makaraang magsampa ang mga ito ng petisyon sa korte para sa Temporary Restraining Order (TRO).
Kaugnay nito, sinabi ni LTO Chief Anneli Lontoc na mamadaliin na nila ang pagdedesisyon sa usaping ito dahil gusto na nilang maipatupad ang interconnectivity sa ahensiya at tuloy maalis na ang mga anomalya sa emission testing sa bansa.
Sa nagdaang beta live testing ng LTO IT at ng ETCIT at Eurolink noong Hulyo, matagumpay na naisagawa ang programa dahilan sa hindi nakalusot ang mga irerehistrong sasakyan na may problema.
Ipatutupad ang LTO IT interconnectivity nang lumabas ang report na umaabot sa 1.3 milyong nairehistrong sasakyan sa buong bansa noong 2005 ay di dumaan sa emission testing o non compliance. Ang mga mauusok na sasakyang ito ang dahilan ng paglubha ng polusyon sa hangin sa bansa partikular na sa Metro Manila kayat maraming bilang ng mga mamamayan lalo na ang mga kabataan at matatanda ang nagkakaroon ng respiratory ailments tulad ng TB, pneumonia, hika, ubo at sipon. (Angie de la Cruz)