290 OFWs sa Lebanon darating ngayon

Darating ngayong hapon ang first at second batch ng mga Pinoy workers na naipit sa nagaganap na giyera ng Israel at Lebanon.

Sa ginawang command conference sa Department of Foreign Affairs kahapon, sinabi ni special envoy to the Middle East Roy Cimatu, alas-3 ng madaling araw kahapon nang dumating na ligtas ang mga OFWs sa Damascus, Syria.

Sinabi ni Cimatu na bukod sa unang batch, kasunod na prinoseso ang repatriation ng 102 pang Pinoy. Ang bagong batch ng mga evacuees ay umalis na rin sa Beirut kahapon upang makasabay sa first batch sa pagsakay sa inihandang eroplano na magdadala sa kanila sa Pilipinas.

Nilinaw naman ni Cimatu na 188 lamang ang nasa first batch at hindi 192 gaya ng unang napaulat. Dahil sa paiba-ibang isip ng ibang manggagawa kung aalis ba o hindi sa Lebanon ang dahilan kaya bumaba ang bilang ng first batch.

Sa ngayon, may 240 pang OFWs ang nasa relocation sites sa Beirut habang umabot sa 1,572 ang nakarehistro sa embahada para sa posibleng relokasyon. (Ellen Fernando)

Show comments