Sa ipinadalang ulat ni Special Envoy to Middle East Ambassador Roy Cimatu sa Department of Foreign Affairs (DFA), pinalaya ng mga pirata noong Sabado ang may 20 Pinoy seamen na dinukot sa Somalia.
Nilinaw ni Cimatu na walang ibinayad na ransom money ang pamahalaan bagkus ay nakipag-ugnayan lamang ito sa mataas na opisyal sa Somalia para mapalaya ang mga tripulante.
Hindi naman nabatid ni Cimatu kung ibinigay ng employer ng mga Pinoy seamen na Jayphill Incorporated, ang may-ari ng UAE-registered vessel na M/T Lin 1, ang hinihinging $450,000 na ransom kapalit ang paglaya ng mga tripulanteng Pinoy.
Napag-alaman na dinukot ang mga Pinoy seamen nang may 12 armadong kalalakihan habang naglalayag ang kanilang barko sa karagatang sakop ng Somalia noong Marso 29, 2006. (Ellen Fernando)