Ayon kay House Minority Leader Francis Escudero, hindi nila ihihinto ang impeachment complaint dahil lamang hindi ito sinuportahan ng CBCP at inirerespeto niya ang naging desisyon ng grupo ng kaparian.
Naniniwala si Escudero na ang proseso ng impeachment ang tanging mapayapa, legal at Constitutional na proseso para hanapin ang katotohanan na nais umanong palitawin ng CBCP.
Idinagdag nito na may mga kaparian pa rin naman sa Simbahang Katoliko ang naniniwala na dapat isulong ang impeachment at may mga indibidwal at grupo na nagpaabot na ng intensiyon na magpunta sa Kongreso upang maghain ng parehong reklamo.
Matinding kritisismo ang tinanggap kahapon ng CBCP mula sa ibat ibang grupo kasabay ang pag-akusa na tinalikuran ng mga obispo ang taumbayan.
Sa pahayag ng Bayan Muna, ang ipinalabas na statement ng CBCP kamakalawa ay isang "hypocrital and pro-Arroyo statement that ignores the realities and demands of the Filipino people."
"No one is happy over the CBCP statement except for the illegitimate, murderous and immoral President Arroyo and her cabal," ani Bayan Muna sec-gen Nathaniel Santiago.
Para na rin anyang inindorso ng CBCP ang illegal na pamumuno ni Arroyo.
Idinagdag ni Santiago na ang Simbahan ang dapat na manguna sa paghahanap ng katotohanan at hindi ito dapat ipaubaya na lamang sa mga mamamayan. Maliwanag anya na ayaw ng CBCP na pamunuan ang kanyang mga tagasunod na mahanap ang katotohanan. (Malou Escudero)