Ayon kay Guingona, nais ng taumbayan ang isang mapayapa at naaayon sa saligag-batas na hakbang para isulong ang impeachment case laban sa Pangulo, pero kung ito ay patuloy na hahadlangan ng kanyang mga kaalyado ay hindi malayo na idulog ng mga ito sa kalsada ang kanilang nais.
Sinabi pa ng dating bise presidente na ang isinampang reklamo ay hindi isang ordinaryong prosesong pulitikal dahil ito ay nakabatay sa saligang-batas kung saan may pananagutan ang isang public official sa bansa.
Aniya, dapat na dinggin ang mga ebidensiya na nakahatag sa 2nd impeachment sa halip na idaan sa botohan sa Kamara na alam naman nilang hindi malulusutan ng oposisyon.
Kasabay nito ay inilatag kahapon ng mga militanteng estudyante sa pangunguna ng anak ni Makati Mayor Jejomar Binay ang ika-apat na impeachment complaint laban kay Pangulong Arroyo.
Sinamahan si Marlen Abigail Binay, lider ng Youth Demanding Arroyos Removal, ng mga kapwa estudyante mula sa PUP, UP, Mapua at St. Pauls College sa paghahain ng panibagong reklamo sa tanggapan ni House secretary general Roberto Nazareno na inendorso naman ni Davao City Rep. Ruy Elias Lopez.
Katulad ng tatlong naunang reklamo, inakusahan ng mga estudyante ang Pangulo ng umanoy pandaraya sa halalan, katiwalian, pagkakanulo sa tiwala ng publiko, gayundin ang paggamit umano ni Arroyo ng dictatorial powers upang supilin ang karapatan ng mga mamamayan na magsalita, mag-assembly at malayang pamamahayag. Inireklamo rin ang patuloy na pagpatay sa mga miyembro ng militanteng grupo na isinisisi sa administrasyong Arroyo. (Rudy Andal/Angie dela Cruz)