Nakapaloob sa "Gender Balance Act of 2006" na dapat ay ibigay sa mga kababaihan ang 30 porsiyento ng mga posisyon sa bureaucracy, militar, police, government-owned and controlled corporations at iba pang ahensiya ng pamahalaan.
Ayon kina Akbayan Reps. Loretta Ann Rosales, Riza Hontiveros-Baraquel at Mario Joyo Aguja, panahon na upang madagdagan ang mga kababaihan sa mga "political decision-making institutions" upang mas maisulong ang mga womens agenda.
Binanggit ni Baraquel ang Sweden, Denmark at Norway na nagpapatupad ng "gender quotas" gayundin sa African National Congress kung saan naka-reserve ang 30 porsiyento ng parliamentary at 50% ng local government candidacies sa mga kababaihan.
Sa ilalim ng panukala, dapat ilaan ang 30% ng mga Cabinet positions sa mga kababaihan. Dapat ding ilaan ng lahat ng partidong pulitikal ang 30% ng tatakbuhang posisyon sa mga babaeng kandidato sa national at local elections at 30% ng "table organizations" ng militar at pulisya mula sa rank-and-file hanggang sa top positions. (Malou Escudero)