Ito ang banta ng mga kritiko ng Pangulo kasunod ng paghahain kahapon ni dating Vice Pres. Teofisto Guingona ng isa pang impeachment complaint na kapareho rin ng inihain noong Lunes ng grupong Citizens Impeachment Case vs Gloria Macapagal-Arroyo.
Kasama ni Guingona bilang complainant ang 16 concerned citizens habang tumayong endorser naman ang anak nitong si Bukidnon Rep. Teofisto Guingona III.
Ipinaliwanag ng solon na "panigurado" lamang ang ikalawang impeachment complaint dahil posibleng palabasin ng kampo ni Arroyo na kahapon ang ika-isang taon ng one year ban para sa paghahain ng bagong reklamo at hindi noong Lunes.
Naniniwala naman ang dating bise presidente na ang sunud-sunod na paghahain ng impeachment complaint ang magpapataranta sa administrasyon.
Ngayong araw, nakatakda namang maghain ng panibagong reklamo ang grupong Akbayan na ie-endorso ni Akbayan Rep. Loreta Ann Rosales.
Kabilang sa mga bagong reklamo sa 2nd impeachment ay ang pagiging diktador ni GMA sa pamamagitan ng PP1017, EO464 at Calibrated Pre-emptive Response na pawang idineklarang "unconstitutional" ng Korte Suprema.
Nakapaloob pa rin sa 15-pages na 2nd impeachment complaint ang akusasyong pandaraya sa nakaraang eleksyon, graft and corruption at paglabag sa karapatang pantao. (Malou Escudero)