Ayon kay Bayan-Muna Rep. Teddy Casino, kapag muling ibinasura ng mga kaalyado ni Mrs. Arroyo ang 2nd impeachment complaint na ito ay baka gumamit ng extra-constitutional alternatives ang mamamayan upang mapatalsik si GMA.
"If this constitutional process cannot be given due course and is distorted by the administration, then the extra-constitutional alternatives would again be looked as viable alternatives," wika pa ni Rep. Casino.
Pormal na inihain kahapon sa tanggapan ni Secretary-General Roberto Nazareno ng Kamara nina House Minority Leader Francis Escudero, San Juan Rep. Ronaldo Zamora, Zenaida Quezon-Avancena, dating DSWD Sec. Dinky Soliman at may 300 private complainants ang ikalawang impeachment complaint laban kay GMA.
Kabilang sa mga bagong reklamo sa 2nd impeachment ay ang pagiging diktador ni GMA sa pamamagitan ng Presidential Proclamation 1017, Executive Order 464 at Calibrated Pre-emptive Response na pawang idineklarang "unconstitutional" ng Korte Suprema.
Nakapaloob pa rin sa 150-pages na 2nd impeachment complaint ang akusasyong pandaraya sa nakaraang eleksyon, graft and corruption sa Arroyo administration at paglabag sa karapatang pantao.
Siniguro naman ni Sec-Gen. Nazareno na ito ang kauna-unahang "peoples case" na tinanggapan ng kanyang opisina sa taong ito kasabay ang paniniguro na ita-transmit niya ito sa tanggapan ni House Speaker Jose de Venecia sa pagbubukas ng 3rd regular session ng 13th Congress sa July 24.
Tinatangka naman ni Atty. Romulo Macalintal, abugado ni GMA, na harangin ang 2nd impeachment complaint dahil may nakasampa pang motion for reconsideration ang oposisyon sa ibinasurang unang impeachment complaint noong nakaraang taon sa Korte Suprema.
Kinatigan naman ni Justice Secretary Raul Gonzales ang naging pananaw ni Atty. Macalintal kasabay ang paniniwala na mayroong kukuwestyon sa validity ng 2nd impeachment sa High Tribunal.
Aminado naman sina oppositon Sen. Panfilo Lacson at Sen. Ramon Magsaysay Jr. na walang sapat na bilang ang pro-impeachment congressmen para maisulong ang pagpapatalsik kay PGMA pero naniniwala silang kung paiiralin ng mga kongresista ang kanilang konsensiya ay tiyak na maiaakyat sa Senado ito.
Kampante naman ang Palasyo sa panibagong impeachment complaint na isinampa ng oposisyon laban sa Pangulo.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ignacio Bunye na wala ring kahihinatnan ang panibagong impeachment complaint na ito laban kay PGMA dahil walang nilalabag na probisyon sa Konstitusyon ang Pangulo.
Gayunman, nakahanda ang legal team ni Pangulong Arroyo para harapin ang panibagong impeachment complaint na isinampa sa Kamara. (Malou Escudero, Lilia Tolentino, Grace Dela Cruz at Rudy Andal)