Lacson, Lim, MJ labu-labo sa Maynila

Hindi pa man pormal na nag-umpisa ang panahon ng pangangampanya, naglalabasan na ngayon ang mga malalaking pangalan sa pulitika na nakaamba sa pagtakbo bilang alkalde ng lungsod ng Maynila sa darating na 2007 national elections.

Kabilang sa mga pangalang lumulutang sina Sen. Panfilo Lacson, Sen. Alfredo Lim at dating Manila Rep. Mark Jimenez.

Matagal nang umuugong ang pangalan ni Lacson sa pagtakbo bilang alkalde ng Maynila habang tinatarget naman umano ni Lim na magkaroon ng "comeback" sa dati niyang puwesto.

Nagpahayag naman kamakailan si Jimenez ng interes na kumandidato sa Maynila matapos sabihin nito sa mga mamamahayag na nais niyang tutukan ngayon ang pagtulong sa mga residente ng Maynila matapos na mamudmod ng grasya sa iba’t ibang probinsiya sa Pilipinas.

Sa kabila nito, pinuna naman ni Manila Vice Mayor Danny Lacuna ang kredibilidad ng mga naturang kandidato. Anya, malabo si Lacson dahil sa hindi talaga ito taga-Maynila at ang tunay na balwarte nito ay Cavite.

Takot naman umano ang mga tao kay Sen. Lim habang puro pamumudmod naman ng pera ang ginagawa ni Jimenez at hindi serbisyo publiko.

Bukod kay Lacuna, napipinto ring tumakbo sina Kim Atienza matapos ang tatlong termino ng kanyang amang si Mayor Lito Atienza at 5th District Rep. Joey Hizon. (Danilo Garcia)

Show comments