Eksaksto alas-9 ng umaga, mismong ang Pangulo ang nagpatunog ng alarma sa Sta. Elena High School sa Marikina City bilang hudyat ng pagkakaroon ng malakas na lindol na umabot kunwari sa isang minuto.
Bagamat nagmamadaling nagsilabasan sa kani-kanilang mga kuwarto ang 2,300 mag-aaral ay naging maayos ang pagtungo nila sa isang ligtas na lugar habang maagap namang nagdatingan ang mga rescuers upang saklolohan ang ilang estudyanteng nasaktan.
Ang nasabing drill ay sinabayan din ng mahigit isang milyong estudyante sa may 40,000 paaralan sa buong bansa bilang paghahanda sakaling abutin sila ng lindol sa loob ng eskwelahan.
Kasama ng Pangulo sa drill sina DepEd acting Sec. Fe Hidalgo, Defense Sec. Avelino Cruz, MMDA Chairman Bayani Fernando at Phivolcs Director Renato Solidum.
Sinabi naman ni Solidum na ang earthquake drill ay napakahalaga sa mga eskwelahan dahil importanteng malaman ng mga batang mag-aaral kung ano ang dapat gawin kapag dumarating ang ganitong sakuna.
Ayon sa Pangulo, sa mga susunod na araw ay gagawin din ang earthquake drill sa mga matataong lugar at high-rise buildings. (Edwin Balasa/Lilia Tolentino)