Ayon kay Roberto Brillante, dating bise alkalde ng Makati at convenor for Campaign for Public Accountability (CPA), nilabag ng Makati officials ang Philippine Cockfighting Law sa pagbibigay ng kontrata para sa sabungan.
Pinuna ni Brillante na 25-taong lease ang ibinigay ng mga opisyal ng Makati para sa sabungan sa coliseum kung saan lubhang agrabyado ang pamahalaang lungsod. Maanomalya din ang sabungan, ayon kay Brillante, sapagkat iisa lamang ang naging bidder at hindi nailathala sa mga pahayagan para makasali ang iba pang interesadong negosyante.
Nilabag din umano ng sabungan ang Presidential Decree 449 sa pagdadaos ng nasabing mga araw na labag sa itinatakda ng naturang batas, gayundin ang pagtatayo nito na 200 metro lamang ang layo sa Our Lady of La Paz Church at gawing sabungan ang isang sports complex na pag-aari ng gobyerno.
Kasamang inireklamo sa Office of the Ombudsman sina Konsehal Jejomar Binay Jr.; Rico J. Puno; Erlinda Gonzales; Ferdinand Eusebio; Monique Lagdameo; Ricardo Javier; Romeo Medina; Divina Jacome; Israel Cruzado; Nelson Pasia; Francisco Lichauco; Elias Tolentino Jr.; Ernesto Aspillaga; Romana Pangilinan; Nemesio Yabut; Pedro Ibay; Christine Mercado at Rodolfo Sese.