20-M estudyante balik-eskwela!

Handa na ang mahigit sa 20 milyong estudyante sa bansa sa pagbabalik eskuwela bukas, gayundin ang may 6,000 mga kagawad ng pulisya na magbabantay sa mga ito.

Sa talaan ng Department of Education (DepEd), 13,318,185 ang bilang ng mga mag-aaral na papasok sa public at private sa elementary level habang 6,775,400 naman sa public at private high schools.

Ang bilang ng magsisipasok ngayong taon ay mas mataas ng 2 milyon kung ikukumpara noong nakaraang taon na umabot lang sa 18 milyon dahil sa mataas na bilang ng mga lumilipat na estudyante mula sa private patungong public schools.

Dahil dito, sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Vidal Querol na magtatalaga sila ng may 6,000 kapulisan na magbabantay sa mga paaralan upang hindi mabiktima ang mga estudyante ng mga masasamang loob tulad ng holdaper, snatcher at kidnap-for-ransom.

Ayon naman sa DepEd, katulad ng mga nakaraang taon, isa sa malaking problema tuwing darating ang pasukan ay ang kakulangan sa silid-aralan at mga guro. Sa kasalukuyan, ang teacher to student ratio ay 1:50.

Ayon naman kay acting DepEd Secretary Fe Hidalgo, nakakuha na sila ng 5,000 karagdagang guro.

Bukod sa pulisya, nakaantabay na rin ang Metro Manila Development Authority (MMDA) dahil tiyak na magsisikip ang mga kalsada dahil sa trapiko sa pagbabalik ng mga estudyante sa lansangan. (Edwin Balasa/Lilia Tolentino)

Show comments