Ayon kina Sens. Sergio Osmena III at Panfilo Lacson, gagamitin ng Senado ang kapangyarihan nito upang bawiin ang inaprubahang budget ng AFP at PNP matapos muling iginiit ni AFP Chief of Staff Generoso Senga na hindi nakadalo ang kanyang mga opisyal dahil sa kawalan ng clearance mula sa tanggapan ng Pangulo.
Idinahilan ni Gen. Senga na walang ibinigay na clearance ang tanggapan ni Pangulong Arroyo kaugnay sa pag-iral pa rin ng Executive Order 464 para dumalo ang mga opisyal sa nasabing pagdinig.
Dinukot ng ISAFP-MIG 15 sina Jim Cabuatan, Ver Eustaquio, Ruben Dionisio, Dennis Ibona at PO3 Jose Curaming na pawang mga miyembro ng Union of Masses for Democracy and Justice (UMDJ), habang sila ay nasa bahay ni Eustaquio noong May 22 sa Kamuning, Quezon City ng walang warrant of arrest.
Hanggang ngayon ay nasa ospital pa si Dionisio matapos mabalian ng tatlong tadyang dahil sa torture na inabot umano sa MIG 15.
Base naman sa paunang resulta ng imbestigasyon ng Commission on Human Rights (CHR), nilabag ng mga tauhan ng ISAFP ang karapatang-pantao ng Erap 5.
Dahil dito kaya hiniling ni CHR chairperson Purificacion Quisumbing sa Senado na gumawa ng batas laban sa pagtortyur o pagpapahirap sa mga taong arestado o suspek sa krimen.
Iginiit din ng mga senador na ilantad ng ISAFP ang mahigit 10 kataong miyembro ng MIG na siyang dumampot sa lima.
Inaprubahan naman ni Senga na maisailalim sa court martial proceedings ang mga miyembro ng MIG 15 na umaresto sa lima.