Panibagong plunder case versus Erap

Nakaamba ang panibagong plunder case laban kay dating Pangulong Joseph "Erap" Estrada dahilan pinagpapaliwanag ito ng mga mambabatas sa P2.07 bilyong laundering scheme sa Estados Unidos.

Sinabi nina Antique Rep. Exequiel Javier at Davao del Sur Rep. Douglas Cagas na kabilang sa kuwestiyonableng katiwalian ay ang government bonds at commercial paper sa isa sa naging biktima na si dating beauty queen Joelle Marie Henzon Pelaez.

Iginiit ng dalawang solon na hindi sapat ang pagtanggi ni Estrada at ng sinasabing mga cronies nito sa usapin matapos magsampa ng P500 milyong asunto si Pelaez.

Nabatid na ginamit umano ang pangalan ni Pelaez ng dating Pangulo at pineke ang pirma nito para makapagpalabas ng pondo sa United Coconut Planter’s Bank noong panahon ng termino ni Estrada.

Sinabi ng mga ito na si Erap ay posibleng maharap sa panibagong plunder case kapag hindi nakapagpaliwanag ng maayos sa expose ni Pelaez.

Kaugnay nito, pinakilos na ni Department of Justice Secretary Raul Gonzalez ang National Bureau of Investigation para imbestigahan ang ibinunyag ng dating beauty queen sa umano’y large scale money laundering ng dating Pangulo. (Malou Rongalerios/ Ludy Bermudo)

Show comments