Itoy matapos na i-ruffle kahapon ng Makati City Regional Trial Court (RTC) ang kaso na napunta sa panibagong hukom na siyang lilitis sa asuntong ito.
Si Judge Renato Quilala ng Branch 57 ng Makati RTC ang bagong huwes na hahawak sa pagdinig ng kasong rebelyon na muling isinampa laban kina Honasan, Partylist Representatives Satur Ocampo, Liza Maza, Teodoro Casiño, Rafael Mariano at Joel Virador, Communist Party of the Philippines-New People s Army (CPP-NPA ) Founding Chairman Jose Ma. Sison, mga rebeldeng sundalo atbp.
Gayunman, sinabi ni Atty. Jose Diokno, legal counsel ng mga akusado na igigiit nila na itigil ang pag-ruffle sa kasong rebelyon laban sa mga nabanggit.
Sinabi ni Diokno na may nakabimbing kaso na isinampa sa Supreme Court na dapat ay resolbahin muna subalit itinuloy pa rin ang pag-ruffle sa kasong rebelyon ng mga akusado sa sala ni Quilala.
Magugunita na naunang ibinasura ni Judge Jenny Lind Delorino ng Branch 137 ng Makati City RTC noong nakaraang linggo ang naturang kaso laban kina Honasan.
Naniniwala naman ang mga abogado ng mga akusado na posibleng mabalewala ang kasong rebelyon laban sa kanilang mga kliyente. (Lordeth Bonilla)