Taliwas sa ulat na tutol ang Manila Police District (MPD) sa proyektong ito ni PNP Chief Director General Arturo Lomibao, nilinaw ni Sr. Supt. Rolando Miranda, bagong talagang Station 5 Commander ng MPD na hindi nagsisipag-aklas ang mga opisyal at miyembro ng Manilas Finest tulad ng mga alingasngas dahilan kung tutuusin ay maraming benepisyo sa kanilang hanay ang makukuha sa pagbebenta ng ticket.
Ikinatwiran ni Miranda na hindi umano puwersahan ang pagbebenta ng mga ticket at tuwang-tuwa pa ang mga pulis-Maynila na tumulong sa proyekto.
Maging ang mga pulis sa mga probinsya at rehiyon ay tuwang-tuwa rin sa pagsuporta sa proyekto ng PNP chief.
Ang kikitain sa pagbebenta ng ticket ay gagamitin para sa modernisasyon ng mga himpilan ng pulisya at support units nito sa buong bansa .
Napag-alaman na ang bawat isang PCSO booklet ay may 50 tickets na nagkakahalaga ng P500 na ibinebenta sa halagang P10 bawat isa. Ang draw ay sa Hunyo 25. (Joy Cantos)