Ayon kay Gonzales, handa na ang bagong kasong rebelyon laban sa mga party-list representative na umanoy mga komunista kasabay ng pahayag na mas malakas ang kaso ng gobyerno laban sa mga ito. Sinabi ni Gonzales na hawak nila ang ebidensiya na magpapatunay na aktibo ang mga Batasan 5 bilang mga opisyal ng Communist Party of the Philippines-New Peoples Army na nagsusulong ng armadong rebelyon laban sa gobyerno.
Gayunman, tiniyak din ng Partido Demokratiko Sosyalista ng Pilipinas na maaari pa ring muling arestuhin ang Batasan 5 kahit walang warrant of arrest.
Ito ayon kay Atty. Jose Ricafrente ay bunsod na rin ng kasong rebelyon na nakasampa laban sa limang mambabatas dahil ang kasong rebelyon ay itinuturing na "continuous crime" na kahit na tulog ang isang rebelde ay itinuturing pa rin siyang rebelde.
Bunga nito, sinabi ni Ricafrente na walang dapat na ipagyabang ang Batasan 5 dahil malaking krimen ang kanilang kinakaharap at maaari silang arestuhin anumang oras. (Doris Franche)